Biyudo todas sa dating OFW
MANILA, Philippines — Patay ang isang biyudo matapos barilin ng isang dating overseas Filipino worker (OFW) kamakalawa ng gabi sa Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Dead-on-arrival sa FEU Hospital ang biktimang si William Enriquez Leal, residente ng President Quezon Street, Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na si Geronimo Tolentino, 64, ng Brgy. Commonwealth ng nabanggit na lungsod.
Batay sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang krimen dakong alas-7 ng gabi sa Ilocandia St.
Ayon sa pahayag ng saksi, nakita niyang magkausap pa ang biktima at suspek pero makalipas ang ilang minuto nagtatalo na ang dalawa hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan sa katawan ang biktima.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek dala ang baril na ginamit sa krimen.
Nakuha ng SOCO team ng QCPD-FU sa pangunguna ni PCapt. Michael Jabel ang basyo ng bala sa lugar.
- Latest