‘No Plate, No Travel’ vs tricycle arangkada na sa Quezon City
MANILA, Philippines — Simula ngayong araw, huhulihin na ang mga tricycle na walang plaka na bibiyahe sa pagsisimula ng pagpapatupad ng “No Plate, No Travel” policy sa Quezon City.
Sa abiso ng Land Transportation Office (LTO), ang operasyon ay alinsunod sa Republic Act no. 4136, Section 18 o ang “Use of Number Plates” na nagtatakda ng tamang paggamit ng plaka.
Ayon sa LTO, lahat ng tricycle na bibiyahe ngayong Lunes (July 1) na walang plaka ay ituturing na ilegal at colorum.
Nauna nang sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza na ginawa ang hakbang matapos matugunan ng ahensya ang halos 3,000 backlog sa license plates ng mga tricycle sa QC noong nakaraang buwan.
Magsisilbi ring pilot ito ng kanilang mas mahigpit na Road Safety at Anti-Colorum Campaign na planong ipatupad sa buong bansa kalaunan sa lahat ng uri ng sasakyan.
- Latest