300 kilong ‘botcha’ nasamsam sa Maynila
MANILA, Philippines — Umaabot sa 300 kilo ng double dead na baboy o botcha ang nasamsam ng mga tauhan ng Manila Veterinary Inspection Board (MVIB) kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.
Agad na binitbit ng MVIB, ang nagbebenta ng mga ‘botcha’ na si Dominador Boza, habang nakatakas ang kanyang dalawa pang di nakilalang kasamahan.
Si Boza ay sasampahan ng kasong paglabag sa Meat Inspection Code of the Philippines at Food Safety Act of the Philippines sa kabila na todo-tanggi at sinabing hindi niya alam na double dead ang kanyang itinitindang karne dahil tagapagbantay lamang umano siya.
Dakong alas- 3 ng madaling araw nang salakayin ng mga awtoridad ang pamilihan na matatagpuan sa Claro M. Recto Avenue sa kanto ng Ylaya St. sa Tondo.
Ibinebenta umano ang isang plastic bag ng lechon sa halagang P180 kada kilo, na naka-display sa ibabaw ng mga mesa.
Nakasupot na rin naman ang mga double dead na lechon at karne ng baboy nang makumpiska ng mga awtoridad.
Ayon sa mga awtoridad, kwestiyonable ang kalidad ng mga karne at kahina-hinala kung bakit murang-mura ang benta sa mga ito.
Pinayuhan ng MVIB, ang publiko na huwag nang bilhin ang karne at ireport kaagad sa kanilang tanggapan kung mapupunang maputla ang mga ito, may amoy at malabsa na.
Ang mga lechon naman na maaaring half-cooked lamang ay posibleng may taglay na mga uod.
Ayon kay Dr. Nick Santos Jr., head ng Special Enforcement Squad, na ang pagkain ng mga double dead meat ay delikado dahil maaari itong magdulot ng tuluy-tuloy na diarrhea, food poisoning o di kaya ay kamatayan.
Ibinaon ng MVIB ang mga nakumpiskang karne sa disposal pit upang hindi na mapakinabangan.
- Latest