Outpost ng DPWH ginawang ‘batakan’ng droga: 2 timbog
MANILA, Philippines — Kalaboso ang lima katao makaraang gamitin ang outpost ng Department of Public Works and Highways sa Caloocan City sa kanilang ‘pot session’, kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang mga nadakip na sina Ritchelle Ando, 34; Rodel Dumaguit, 36; Ronald Dormas, 47; Nestor Dieta, 34; at Gilbert Galban, 34, pawang mga naninirahan sa Brgy. 185 ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Caloocan City Police, nakatanggap ng tip ang mga tauhan ng Police Community Precinct 4 sa nagaganap na pot session sa loob ng outpost ng DPWH sa may Quirino Highway, Brgy. 185 buhat sa mga opisyal ng barangay. Nabatid rin na ang naturang outpost ay nasa likod lang ng Brgy. Hall.
Agad na sinalakay ng mga pulis katuwang ang mga barangay tanod ang naturang lugar at nahuli sa akto ang limang suspek habang humihithit ng shabu. Narekober sa mga suspek ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, at mga drug paraphernalia.
Nakaditine ngayon ang limang suspek sa Caloocan City Police Detention Center at nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Caloocan Prosecutor’s Office.
- Latest