Bahay ng nanalong kagawad natupok
MANILA, Philippines — Tinupok ng apoy ang bahay ng isang nanalong kagawad at isang commercial building sa Tondo, Manila, bago pa man matapos ang bilangan ng boto sa katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Station 7, na pinamumunuan ni P/Supt. Jerry Corpuz, dakong alas-7:29 ng gabi nang magsimulang sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng tahanan ng bagong halal na kagawad ng Brgy. 162 sa Tondo, na si Elisa Erinco, na matatagpuan sa Solis Street, malapit sa Bulacan Street, sa Tondo.
Katatapos lang umano ng eleksyon at kasalukuyang nagbibilangan ng boto sa katapat na polling area sa Florentino Torres High School, nang sumiklab ang sunog, kaya’t pansamantalang naantala ang canvassing dahil sa makapal na usok na umabot hanggang sa compound ng paaralan.
Tumagal pa ng ilang minuto bago nagdesisyon ang mga board of election tellers (BET) na ituloy na ang bilangan ng boto sa halos 200 polling precincts doon.
Nakontrol naman ng mga bumbero ang sunog matapos ang may isang oras, ngunit muli itong sumiklab at nadamay ang kalapit na commercial building.
Ayon sa mga tauhan ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), mabilis na kumalat ang apoy at nahirapan silang apulain ito dahil sa mga nakaimbak na tela sa gusali.
- Latest