Pasaway na riders nasa Maynila -- MMDA
Ayaw magsuot ng helmet
MANILA, Philippines — Natukoy ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa magkakasunod nilang operasyon na mas maraming motorcycle riders sa lungsod ng Maynila ang mga pasaway o matitigas ang ulo at ayaw magsuot ng helmet.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), pangunahing nakitaan ng bayolasyon ang mga motorcycle riders sa kanilang ginawang dalawang araw na operasyon nitong nakalipas na linggo.
Sa tala ng MMDA Task Force Special Operations, nasa 100 violators sa ‘no helmet’ ang kanilang natikitan nitong Abril 25 at nasundan pa ng 88 violators nitong Abril 26 para sa kabuuang 188 violators.
Sinabi ni Edison Nebrija, commanding officer ng TF Special Operations, halos lahat ng riders na dumaraan sa mga kalsada ng Tayuman, Kataman at F. Yuseco Street na kanilang binisita ay pawang mga walang suot na helmet. Marami rin sa kanila ay may dala namang helmet ngunit sadyang ayaw isuot.
Base pa sa datos, nasa 160 violators ang kanilang natikitan sa dalawang araw na operasyon. Bukod sa walang helmet, 23 ang nahuli sa illegal parking, pito sa obstruction, 21 sa paglabag sa dress code, 15 sa “disregarding traffic signs”, at iba pa. Nasa 63 sasakyan naman ang kanilang na-tow.
Patuloy pa rin umano ang kultura na mga opisyal ng pamahalaan ang pasimuno ng mga obstruksyon sa kalsada tulad ng barbecue stall sa ibabaw ng Zamora Bridge sa Zamora Street sa Pandacan na pag-aari umano ng isang pulis at isang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang nagpakilalang caretaker. Isang kagawad rin ng barangay ang itinuro ng naturang traffic enforcer na siyang nagbigay ng permit para sa naturang barbecue stall.
Ipinaalala ni Nebrija na mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng anumang uri ng obstruksyon sa ibabaw ng lahat ng tulay.
Magtutuluy-tuloy naman ang operasyon ng TF Special Operations sa iba pang bahagi ng Maynila habang dumagsa naman ang mga sumbong na muling nagsibalikan naman ang mga illegal parking sa mga lugar na inoperate na ng MMDA sa Quezon City na hindi nabantayan ng mga opisyal ng barangay.
- Latest