Droga , overdose sa alcohol ikinamatay ng 2 biktima sa Forever summer concert
MANILA, Philippines – Droga at overdose sa alcohol ang sanhi ng pagkamatay ng dalawa sa limang nasawing biktima matapos na bigla na lamang bumagsak sa Forever Summer concert sa isang mall sa Pasay City noong nakalipas na buwan.
Ito ang nabatid kahapon matapos na ipalabas na ng PNP Crime Laboratory ang resulta ng isinagawang awtopsiya, hispathology at toxicology examinations sa mga biktimang sina Ken Migawa, 18-anyos, isang Hapones at sa 33-anyos na Amerikanong si Eric Anthony Miller.
Sina Migawa at Miller ay kabilang sa limang concertgoers na nasawi sa nasabing concert event ng Close up sa nasabing mall sa Pasay City noong Mayo 21 ng taong ito.
Sinabi ni PNP Crime Laboratory Director P/Sr. Supt. Emmanuel Aranas sina Migawa at Miller ay lumitaw na positibo sa paggamit ng ecstasy, isang uri ng droga na kabilang sa nasamsam sa raid ng National Bureau of Investigation, isang araw matapos ang insidente.
Ayon kay Aranas ang dalawang dayuhan ay kapwa nasawi sa ‘multiple organ failure’ kung saan namaga rin ang utak at nagkaroon ng pinsala ang muscle ng puso ng mga ito na epekto ng ecstasy at alcohol.
Bukod kina Migawa at Miller kabilang pa sa mga nasawi sa party concert ay sina Bianca Fontejon, 18; Lance Garcia, 32 at Ariel Leal, 22.
Nabatid na tanging si Leal ang hindi na isinailalim ng mga awtoridad sa awtopsya dahilan tumanggi ang pamilya nito.
- Latest