Kelot tinodas sa loob ng videoke bar
MANILA, Philippines – Patay ang isang 40-anyos na lalaki makaraang pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang suspect matapos magsumbong ang kasamang babae ng huli sa loob ng isang videoke bar kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit, kinilala ang biktima na si Florante Morales, ng Mabini St., Forbes Tondo, Pangasinan. Mabilis namang tumakas ang salarin kasama ang isang babae.
Sa imbestigasyon ni PO2 Jogene Hernandez, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa isang videoke bar sa Austria St., Novaliches, ganap na alas 12:30 ng madaling araw.
Lumilitaw na kapwa customer ang biktima at mga suspect sa nasabing bar at magkahiwalay na umiinom sa magkabilang mesa.
Ayon sa isang saksi, bago ang insidente, nakita umano nito ang mga suspect na nagbayad ng kanilang bill at matapos nito ay tinanong ng lalaking suspect ang kasamang babae kung sino ang nambastos sa kanya at ituro ito.
Mula sa kinauupuan ng biktima sa isang mesa kasama ang iba pa ay itinuro umano ng babae ang una dahilan para lapitan siya ng suspect at saksakin sa leeg, saka mabilis na tumakas.
Isinugod ang duguang biktima ng kanyang mga kasamahan sa Hope General Hospital, subalit idineklara din itong dead on arrival.
- Latest