‘Pasko sa Paslit,’ pahabol na regalo ni VM Joy B
MANILA, Philippines – Bagamat tapos na ang panahon ng Kapaskuhan, paliligayahin pa rin ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang mga indigent children sa lungsod.
Ito ay sa pamamagitan ng taunang ‘Pasko sa Paslit project’ ni Belmonte na tinaguriang Circle of Fun na isasagawa sa Enero 14 at 15 ng taong ito.
Dapat sana ay noong buwan pa ng Disyembre ito naisagawa pero dahil sa dumating na bagyong Nona at naging abala ang Vice Mayors Office sa pagtulong sa mga sinalanta ng naturang bagyo, nai-reset ang proyekto ng Enero.
“Ito po ay taunan nating ginagawa na laan para sa mga kabataang nais nating bigyan ng kasiyahan tuwing holiday season” pahayag ni Belmonte.
May 2,000 kabataang indigent mula sa ibat ibang barangay sa anim na distrito ng QC ang benepisyaryo ng proyekto kasama ang mga paslit na inaalagaan ng mga non-governmental organization partikular mula sa Tulay ng Kabataan at Community Based Rehabilitation.
Pagkakalooban ang bawat bata ng libreng sakay sa Circle of Fun sa QC circle at mga loot bag .
- Latest