11 kelot timbog sa drug raid
MANILA, Philippines – Labingisang lalaki na ang inaaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District-Anti Illegal Drugs (QCPD-DAID) matapos maaktuhang guma-gamit ng iligal na droga sa isang apartelle kasunod ang isinagawang buy-bust operation sa isang tulak nito sa lungsod, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Enrico Figueroa, hepe ng QCPD-DAID, ang pagsalakay ay ginawa sa may 14 Avenue Apartelle, Cubao malapit sa isang terminal ng bus na matatagpuan sa Barangay Soccorro, ganap na alas-11 ng gabi.
Ayon kay Figueroa, ang anim sa mga nadakip na suspect ay mga bus driver at kawani ng isang bus company, habang ang apat ay mga tauhan ng apartelle na ngayon ay isinasailalim na sa beripikasyon.
Bago ang pagsalakay, nakatanggap umano ng impormasyon ang mga operatiba kaugnay sa nagaganap na transaksyon ng iligal na droga sa nasabing apartelle at pagiging kuta ito ng mga gumagamit ng shabu kung saan karamihan umano sa mga parukyano ay mga driver at konduktor ng bus.
Dahil dito, dalawang linggong minanmanan ng mga awtoridad ang nasabing lugar at nang magposi-tibo ay saka isinagawa ang isang buy-bust operation kung saan nadakip ang isa umanong Reynaldo Rotasi, isang suspendidong bus driver at tulak ng droga.
Nang pasukin ang apartelle ay saka naaktuhan ang iba pang mga suspect habang tumitira ng shabu.
Narekober sa lugar ang isang bulto ng iligal na droga na shabu na pinaniniwalaang may street value na P60,000 hanggang P70,000 at iba pang drug paraphernalia.
Samantala, todo tanggi naman si Rotasi sa bintang na siya ay tulak ng iligal na droga
Ayon pa kay Figueroa, delikado ang ginagawa ng mga nasabing driver dahil buhay ng mga pasahero ang dinadala ng mga ito kapag bumibiyahe at kailangang maayos ang kondisyon nila dahil kung hindi ay posibleng magresulta ito sa aksidente.
Patuloy ang pagsisiyasat ng otoridad sa nasa-bing insidente habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang comprehensive dangerous drug act of 2002 laban sa mga suspect.
- Latest