Grabcar driver at operator, binigyan ng ultimatum ng LTFRB
MANILA, Philippines – Binigyan ng ultimatum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Grabcar operator at driver nito na sumipot sa itinakdang ikalawang public hearing ng ahensiya sa December 9, 2015 kaugnay ng reklamo ng isang pasahero laban sa naturang driver.
Ito ay dahil na rin sa hindi sinipot kahapon ng umaga ng inirereklamong Grabcar taxi driver na si Alfie Paloma at representative ng Teresita Transport Inc. ng Marulas Valenzuela ang LTFRB public hearing hinggil sa reklamo ng pasaherong si Jonathan Barcelon.
Sa reklamo ni Barcelon, habang sakay siya sa Grabcar taxi na may plakang UVG 290 na minamaneho ni Paloma ay pinaharurot ng huli ang sasakyan saka dinala siya sa madilim na lugar saka pinababa sa sasakyan. Gamit umano ni Paloma ang isang tubo na tinangka ipalo sa kanya matapos silang mag-away sa traffic. Doon ay pinagbayad pa rin siya ng P300.00 pasahe kahit hindi naihatid sa destinasyon.
Kaugnay nito, inatasan naman ni Atty. Ariel Inton, tumayong Chair ng LTFRB board hearing, si Atty. Jerome Leynes, abogado ng Grabcar company na magsumite ng kanilang pahayag kaugnay ng insidente sa loob ng 15 araw.
Sa hearing, sinabi ni Atty Leynes na kahapon din ay agad nilang sinuspinde ang membership ng naturang taxi unit makaraang malaman ang reklamo laban sa isa nilang miyembro.
Pinag-aaralan din anya ng LTFRB kung ipagbabawal ang pagdadala ng tubo ng mga driver dahil sa paggamit dito palagian ng mga driver kapag ito ay nabuburyong sa pagmamaneho. Magugunitang isang Uber Taxi operator-driver ay nakansela na ng LTFRB ang operasyon kamakailan matapos na akmang tutubuhin ang pasaherong stewardess nang maburyong sa paghahanap sa destinasyon na pupuntahan ng biktima sa Pasig City.
- Latest