Sunog sa Caloocan: 5 patay
MANILA, Philippines – Lima katao ang nasawi, habang may isa pang iniulat na nawawala sa naganap na sunog, kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Nakilala ang mga nasawi na ang mag-amang Michael Nacional, 30 at Kiel Nacional, 3-anyos. Mag-asawang nakilala lamang sa pangalang Aljon at Gemalyn at anak ng mga ito na si Jen-Jen, 3-anyos.
Patuloy pa rin ang isinasagawang clearing operation sa naturang lugar upang hanapin ang isa pang nawawala.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng Caloocan City, alas-12:32 ng madaling-araw nang magsimulang masunog ang bahay ng isang nagngangalang Virginia Norbete, na matatagpuan sa kahabaan ng Don Benito St., Barangay 21 ng naturang lungsod.
Agad namang rumisponde ang mga bumbero, ngunit nahirapang makapasok ang mga ito dahil masikip ang mga kalsada.
Hinala pa ng mga awtoridad, nagsimula ang sunog sa napabayaang kandila na umano’y naiwan sa bahay ng pamilya Norbete at dahil sa gawa sa light materials ang mga bahay kung kaya mabilis itong kumalat.
Nasa 30 kabahayan ang natupok ng apoy at nasa 50 pamilya ang nawalan ng tirahan.Tinatayang aabot sa mahigit sa P3 million halaga ng mga ari-arian ang napinsala.
Alas-5:00 ng umaga ng maapula ang apoy, na umabot sa ikalawang alarma.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng tumaas pa ang bilang ng mga nasawi dahil marami pa ang iniulat na nawawala.
- Latest