2 itinumba dahil sa droga
MANILA, Philippines – Dalawalng lalaki ang pinaniniwalaang itinumba ng isang sindikato ng iligal na droga sa Port Area, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala sa pamamagitan ng Identification card ang isa sa biktima na si Mario Estacio lll, tinatayang 30-35-anyos, katamtaman ang pangangatawan, mahaba ang buhok, nakasuot ng puting t-shirt at pula sa loob, maong na shortpants, samantalang hindi naman nalalayo ang edad ng isa pang biktima, may tattoo na tribal sa kaliwang braso, nakasuot ng kulay dilaw na jersey shirt, camouflage na shortpants at asul na sapatos.
Sa ulat ni PO3 Dennis Turla ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang umalingawngaw ang magkakasunod na putok sa Roberto Oca St., sakop ng Brgy. 650 Zone 68, sa Port Area.
Sa naunang report ng Baseco Police Community Precinct, nang respondehan ng grupo ni Senior Insp. Joevie Astucia ay nakitang nakahandusay ang duguang mga biktima. Isa sa kanila ang may tama ng bala sa kanang mata at ang isa ay sa sentido, bukod pa sa mga tama sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Walang makapagsabi kung paano at sino ang mga sangkot sa pamamaril.
May hinala naman ang pulisya na ugat ng krimen ang talamak na bentahan ng iligal na droga, gayunman patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
- Latest