Higit 5k NCRPO pulis ipinakalat sa Oplan Balik-Eskwela

MANILA, Philippines — Nasa 5,344 na pulis ang ipinakalat sa buong Metro Manila sa ilalim ng Oplan Balik-Eskwela para sa pinalakas na police visibility at mabilis na pagtugon sa kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral, guro at mga magulang.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Major General Anthony Aberin, saklaw ng pagbabantay ang 1,206 na pampubliko at pribadong paaralan.
Kabilang sa 5, 344 na deployment ang 1,429 tauhan sa mga Police Assistance Desks (PADs) na nakaposisyon malapit sa mga paaralan. Sinusuportahan ito ng iba’t ibang yunit tulad ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU), Cohort/Covert Teams, at EOD/K-9 Teams, na nagsisilbing panangga sa kriminalidad at agarang tumutugon sa emergencies.
May 1,135 mobile patrol units at 1,731 foot patrol officers sa limang police districts at sa Regional Mobile Force Battalion (RMFB) naman ang 24/7 sa pagbabantay hindi lamang sa paligid ng mga paaralan kundi pati na rin sa mga matataong lugar.
Ang Southern Police District (SPD) ang may pinakamalaking deployment na may 1,612 na tauhan, kasunod ang Northern Police District (NPD) na may 1,240, at ang Manila Police District (MPD) na may 955 tauhan. Ang mga ito ay isinagawa kasabay ng koordinasyon sa mga opisyal ng paaralan upang matiyak ang seguridad bago pa man magsimula ang klase.
Bukod sa programang Balik-Eskwela, patuloy na isinusulong ng NCRPO ang Intensified Recalibrated Police Visibility Program, na pagtitiyak ng mas malawak at madiskarteng presensya ng kapulisan sa mga pampublikong lugar.
- Latest