Rider patay, 1 pa kritikal sa aksidente
MANILA, Philippines - Nasawi ang isang rider habang isa pang binatilyo ang kritikal makaraang masangkot sa magkahiwalay na aksidente habang nagpapatakbo ng motorsiklo sa Caloocan at Navotas City kamakalawa. Nalagutan ng hininga bago pa man maisugod sa Quezon City General Hospital ang 25-anyos na si Randy Tubaon, 25, binata, ng No. 18 Matutum St., Manresa, Quezon City habang inoobserbahan naman sa Tondo Medical Center si Jayvee Santos, 17 ng Market 3 Brgy. Northbay Boulevard North, Navotas City.
Sa ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-4 ng hapon, kapwa binabagtas ng biktima lulan ng Motorstar MSX motorcycle (NE-37132) at ng isang Nissan Sentra taxi (UVB-846) na minamaneho ni Rogasiones Manilhig, 63, ng Bagong Barrio, Caloocan City, ang kahabaan ng Tandang Sora Extension nang magkasagian. Bumagsak ang biktimang si Tubaon at napailalim pa sa taksi sanhi upang magtamo ng matitinding pinsala sa ulo at katawan at dahilan ng kanyang kamatayan.
Samantala, dakong alas-3:30 naman ng hapon nang sumalpok ang isang motorsiklo na minamaneho ni Santos sa isang tricycle na minamaneho naman ni Jesus Zamora, 50, ng Brgy. Tonsuya, Malabon, sa may PFDA Fish Port Complex, Brgy. North Bay Boulevard South, Navotas City.
Na nasa impluwensya umano ng alak ang biktimang si Santos at napakatulin ng pagpapaandar sa motorsiklo habang walang suot na helmet. Agad na naisugod ito sa pagamutan kung saan ito kritikal.
Kapwa nadakip ng pulisya ang mga suspek na sina Manilhig na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at Zamora na masasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to frustrated homicide.
- Latest