Bawas polusyon sa Makati: E-trike ipapasada na ng mga TODA
MANILA, Philippines - Nakipagkasundo si Makati City Acting Mayor Romulo “Kid” Peña sa ilang transport group para masolusyunan ang problema ng pollution sa lungsod.
Nabatid na nagkaroon ng Memorandum Of Agreement (MOA) sina Peña, Global Mobility Service Philippines Inc. (GMS) at Tricycle Operator Driver Associations of Makati City (TODA-Makati).
Sa ilalim ng kasunduan, ang naturang grupo ay inoobligang bawasan ang air pollution at carbon emissions sa pamamagitan ng paggamit ng cloud technology at electric o environment-friendly na mga tricycles.
Sinabi ni Peña, sa pamamagitan ng partnership ay maaaring mapabuti ang kapaligiran at kalidad ng hangin sa Makati.
Nabatid, na ang GMS ang magpi-finance sa mga tricycle upang makakuha ang mga operator at drivers sa mababang down payment at arawang hulog na mababayaran sa loob ng tatlong taon kung saan 20 units na ang nailabas sa mga operators at drivers, at may 240 pa na dara-ting sa mga susunod na buwan.
“Sa halagang P1,370 na downpayment at P160 kada araw, ang iskemang lease to own ay tiyak na magaan at makatutulong sa mga drayber ng tricycle na matupad ang kanilang pangarap na magkaroon ng sariling pinapasada”, ani Peña.
Ang mga operators at drivers ay tuturuan din kung paanong gumamit ng global positioning system upang makatulong sa disiplina sa trapik at pagresolba ng kriminalidad.
- Latest