Kumidnap sa mag-asawang Chinese: Habambuhay hatol sa 7 miyembro ng kidnap group
MANILA, Philippines – Hinatulan kahapon ng Quezon City court ng habambuhay na pagkabilanggo ang pitong miyembro ng ‘Waray-waray kidnap for ransom group’ matapos mapatunayang nagkasala sa kasong kidnapping for ransom sa mag-asawang Chinese 18 taon na ang nakakaraan.
Sa inilabas na desis-yon ni QC-RTC branch 98 Judge Marilou Runes-Tamang, bukod sa habambuhay na pagkakulong, sa mga akusadong sina Roger Ete,Teofilo Arlanzon, Crisanto Dollete, Augustin Quinala, Mario Isederio, Cipriano Cornista at Diosdado Tandagan ay pinagbabayad din ang mga ito sa kabuuang halagang P700,000 bilang moral, indemnity at exemplary damage sa mga biktimang sina Virgilio Chua at asawang Cristina Chua at kasambahay na si Annalyn Simbajon.
Si Esperanza Falcon na kasabwat sa naturang kaso ay nahatulan din ng korte na makulong ng 12 taon, samantalang ang akusado pang sina Teofilo Asis at Benhur Anastacio ay hindi na kasama sa hinatulan dahil namatay na ang mga ito bago maipalabas ang sentensiya ng korte .
Sa rekord ng korte, ang tatlong biktima ay dinukot ng naturang grupo noong April 8,1997. Kinabukasan ay napalaya rin ang mga ito, makaraang magbayad ng P400,000 ransom . Orihinal na halagang P50 milyon ang hinihinging ransom ng mga akusado sa mga biktima na kalaunan ay pumayag na ang mga akusado sa P400.000.
Makaraang makalaya ang mga biktima ay agad namang nagsagawa ng manhunt operation laban sa mga ito ang PNP Task Force Dragon na ikinaaresto ng mga akusado.
Kaugnay nito, nagpalabas din si Judge Tamang ng warrant of arrest sa iba pang akusado na patuloy na nakalalaya na sina Conrado Camiller, Michael Camiller, Alton Camiller, Adong Camil-ler, Olan Inalis, Elvira Diola, Alyas Pablo, Alyas Val, Alyas King, Alyas Jun Jun at alyas Mozo o Monsour.
- Latest