Resto oobligahin nutritional contents ng menu ilagay -- Manila Dad
MANILA, Philippines – Obligado na ang mga restaurants maging ang mga fastfood chain sa lungsod ng Maynila na ilagay ang nutritional contents ng mga pagkaing kanilang ibebenta sa menu.
Ito’y sa sandaling maipasa ang isang ordinansa na naglalayong maproteksiyunan ang kalusugan ng publiko mula sa mga pagkain sa mga restaurant at iba pang establisimyento.
Ayon kay Manila 3rd District Councilor John Marvin “Yul Servo” Nieto, mahalagang malalaman at makita ng mga consumers ang nilalalaman ng kanilang kinakain bilang pagbibigay proteksiyon sa kanilang kalusugan.
Paliwanag ni Nieto, batay sa ordinansa kailangan nakasaad ang total number ng calories mula sa total fat; saturated fat; cholesterol; sodium, total carbohydrates; complex carbohydrates; dietary fibers, sugar at protein.
Giit ng konsehal, kailangan na munang magpakita ang sinumang may-ari o operator ng establisimyento ng mga kaukulang dokumento bago ito mabigyan ng business permit.
Kabilang na dito ang affidavit of compliance mula sa manager, operator at may-ari ng restaurant; video o larawan na nagpapakita ng kanilang pagsunod sa ordinansa at ang sertipikasyon mula sa Manila Health Department.
Sakaling mahuling lumabag sa ordinansa, pagmumultahin ang mga ito ng mula P3,000 hanggang P5,000.
- Latest