Houseboy ipinagkanulo, pinanakawan ang amo, arestado
MANILA, Philippines – Kapwa nadakip ang isang houseboy at ang kasabwat nitong snatcher matapos nitong ipagkanulo at ipanakaw ang bag ng kanyang amo na naglalaman ng mahigit P.7 milyon, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Nakakulong ngayon sa Pasay City Police detention cell ang mga suspek na sina Dino Orquin, 21, helper, ng Pasay City at Salvador Castillo, 21, mason, ng Poblacion, Muntinlupa City.
Sa report na natanggap ni Senior Supt. Sidney S. Hernia, naganap ang insidente alas-9:35 ng umaga sa tabi ng isang mall sa F.B. Harrison, Pasay City.
Kasalukuyang nagpapatrulya ang mga kagawad ng Police Community Precinct (PCP) 6 sa nasabing lugar at namataan ng mga ito na inagaw ni Castillo ang dalawang eco-plastic bag ng biktimang si Romelyn Cuyong, 20, negosyante, ng Parañaque City na naglalaman ng halagang P774,500.00 at mga tseke na ide-deposit sana sa isang sangay ng Metro Bank.
Sa pakikipagtulungan ng isang guwardya ng isang mall, nadakip ang mga suspek hanggang sa dinala ang mga ito sa himpilan ng pulisya.
Sa isinagawang interogasyon kay Castillo, ikinanta nito si Orquin na ipinaagaw sa kanya ang bag ng kanyang amo. Na sinabi ni Orquin na may dalang pera ang kanyang amo na idedeposito sa banko at dadaan ito sa naturang mall.
Inihahanda na ang kaso laban sa dalawa.
- Latest