2 sugatan sa pamamaril ng parak
MANILA, Philippines – Dalawa ang iniulat na nasugatan makaraang magpaputok ng baril ang isang pulis matapos na makaalitan nito ang isang tricycle driver sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga sugatang biktima na sina Pearl Anne Narag, na kasalukuyang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) dahil sa tama ng bala mula sa isang .22 kalibreng baril at isang Francisco Paraoan, 57, na nagkataong naroon sa lugar nang mabasag ang windshield ng sasakyan ng suspek na kinilalang si PO3 Edwin Simaco, nakatalaga sa Manila Police District-Station 1.
Naganap ang insidente sa panulukan ng Vicente Cruz at Loyola Sts., Sampaloc, dakong alas-7:20 ng umaga.
Naghain din ng reklamo ang nakaaway ni PO3 Simaco na si Arnold Muñoz, 34, tricycle driver.
Sa salaysay ni Muñoz kay SPO2 John Cayetano ng MPD-Manila Police-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), naghihintay lamang siya sa estudyanteng kanyang inihahatid sa paaralan nang lapitan ng suspek.
Galit umano ang suspek nang tanungin siya kung kanino ang tricycle at minura siya bago bumalik sa van na may plakang NWI 740.
Kinuha raw ng pulis ang baril sa kanyang sasakyan habang si Muñoz naman ay kinuha ang baton sa loob ng minamanehong tricycle.
Nagpaputok umano ang pulis at nagkataon naman na dumaraan si Narag na kasama ang isa pang babae kaya ito ang tinamaan ng ligaw na bala.
Si Paraoan na naroon sa lugar ay tinamaan ng bubog.
Sa follow-up operation, hindi umano matagpuan ng mga tauhan ng MPD-GAIS ang suspek na pulis na nakatakdang ipatawag mula sa kanyang hepe para sa imbestigasyon.
- Latest