2 most wanted, timbog
MANILA, Philippines – Dalawa katao na itinuturing na most wanted person dahil sa pagkakasangkot sa kasong robbery at illegal na droga ang nasakote na ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) sa magkahiwalay na operasyon sa lungsod, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni QCPD Director Police Chief Superintendent Joel Pagdilao, ang mga nadakip na sina Rolando Estrada, 22, ng Brgy. Nova Proper, Quezon City at Hernando Reyes, 58, ng Brgy. San Antonio, sa lungsod.
Sa ulat ni Supt. Eleazar Matta, commander ng PS-4, kay Pagdilao, si Estrada ay naaresto sa kanyang bahay ganap na alas-9 ng gabi sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Ma. Lourdes A. Giron, ng RTC Branch 102, Quezon City sa kasong robbery at paglabag sa City Ordinance 5121 o illegal possession of deadly weapon.
Base sa rekord ng pulisya, si Estrada ay top 4 most wanted person sa Novaliches at sangkot sa mga robbery hold-up activities sa lugar at katabing lugar nito. Habang si Reyes na ika-10 sa top priority list dahil sa illegal drugs ng PS-2 ay nadakip naman sa isang buy-bust operation ala -1:15 ng madaling-araw sa may kahabaan ng Piopongco St., Brgy. San Antonio, Quezon City.
Narekober sa suspect ang dalawang piraso ng plastic sachet ng shabu at buy-bust money. Ang pagdakip sa mga suspect ay alinsunod sa patuloy na programang ipinapatupad ng kanilang tanggapan na ‘Oplan Lambat Sibat’ para mabawasan ang lumalalang kaso ng iligal na droga at masasamang elemento ng lipunan sa siyudad.
- Latest