Walang banta ngayong Holy Week - PNP

MANILA, Philippines — Walang namo-monitor na banta sa seguridad ang Philippine National Police (PNP) ngayong Semana Santa.
Sa press briefing sa Malakanyang,sinabi ni PNP Director for Community Relations PMGen. Roderick Augustos Alba, na nananatiling high alert ang kapulisan ngayong mahal na araw, kung saan milyong mga Pilipino ang inaasahang bibiyahe sa kanilang mga probinsya at sa mga religious o summer destinations.
“We have not received any threat for that matter for our security and safety this Lenten Season as of today but on the part of the PNP, we remain on full alert especially in historically vulnerable areas,” ayon pa kay Alba.
Patuloy din aniyang nakikipag-ugnayan ang intelligence units ng PNP sa Armed Force of the Philippines at Philippine Coast Guard para mapigilan ang anumang banta mula sa anumang grupo na nagtatangkang manggulo sa bansa.
Tinatayang 65,000 PNP personnel ang naka deployed para mabantayan ang mga pasahero na magtutungo sa terminals, transport hubs, pilgrimage sites, churches, at tourist destinations sa buong bansa, kabilang na rin ang vital installations tulad ng power plants at communication infrastructure.
Dagdag pa ni Alba nakikipag ugnayan na rin sila sa mga pribadong security groups at local crisis management councils para masiguro na ligtas at makabuluhan ang paggunita sa Holy Week ng mga Filipino.
Sa kabila nito nanawagan din si Alba sa publiko na maging mapagbantay para maiwasang mabiktima ng anumang uri ng krimen.
Samantala, nagpakalat pa ng karagdagang 25,000 puwersa ang PNP ngayong Semana Santa upang tiyakin ang seguridad at kapayapaan sa buong bansa.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Randulf Tuaño naglabas ng kautusan si PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil na paigtingin ang police visibility sa mga checkpoint, chokepoint, pantalan, at mga simbahan upang maagapan ang anumang banta sa seguridad.
- Latest