MPD handa sa pista ng Itim na Nazareno, Papal Visit
MANILA, Philippines – Ilang araw bago ang Pista ng Itim na Nazareno at pagbisita ng Santo Papa, tiniyak naman ni Manila Police District Director Sr. Supt. Rolando Nana na handa ang kanyang mga tauhan para sa kaayusan ng dalawang event.
Ayon kay Nana, halos araw-araw na rin ang kanilang conference maging ng Philippine National Police upang masiguro na sapat ang mga itatalagang pulis sa bawat lugar na pagdarausan ng misa sa Black Nazarene gayundin ng mga lugar na bibisitahin at pagmimisahan ni Pope Francis.
Sa katunayan ay nagsisimula na niyang ialerto ang mga pulis bilang augmentation sa mga itatalagang pulis sa Quiapo, Sta. Cruz, Lawton at Luneta.
Gayunman, isasagawa ang final coordinating conference para sa Pista ng Quiapo ngayon habang ang sa Papal visit naman ay hawak ng national task force.
Sinabi ni Nana na karangalan at hindi isang hamon ang kanilang tungkulin sa pagbibigay ng seguridad sa Nazareno at Santo Papa.
Mapalad aniya ang lungsod ng Maynila dahil isa lamang ito sa mga lugar na personal na pupuntahan ng Santo Papa.
- Latest