Inmate ng MCJ na inabandona sa ospital, namatay
MANILA, Philippines - Malaking palaisipan sa mga tauhan ng Manila Police District ang pagdadala ng umano’y isang babae sa isang preso ng Manila City Jail sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sa Sta. Cruz, Maynila.
Nabatid na itinawag ng ospital sa pulisya ang namatay na si Willyhado Gueta, 53 nang malagutan ito ng hininga noong Disyembre 25, bandang alas-3:20 ng madaling-araw. Nakasuot ng kulay dilaw na t-shirt na may tatak ng Manila City Jail Detainee si Gueta.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO4 Glenzor Vallejo ng MPD-Homicide Section, isang babae na umano’y kapatid ng biktima ang kasama nito sa pagamutan at iniwan ito.
Matapos madala sa pagamutan, hindi na nagbalik ang babae na nagpakilalang kapatid ng biktima. Wala namang nakitang anumang sugat sa katawan ng biktima na pinaniniwalaang inatake,kaya isinugod sa hospital.
Nagtataka lamang ang pulisya kung bakit babae ang nagsugod sa biktima sa pagamutan at hindi mga jailguards samantalang isa pala itong MCJ detainee.
Mahigpit ang regulasyon ng Bureau of Jail Management and Penology na kailangan na bantayan ang sinumang detainee sa kulungan man o ospital.
Inaalam naman ng pulisya kung sino ang misteryosong babae na nagdala sa biktima sa ospital.
Inilagak sa St. Rich Funeral Morgue para sa awtopsiya.
- Latest