Brgy. chairman, parak kinasuhan sa bigong salvage
MANILA, Philippines – Ipinagharap na nang kasong frustrated murder ang apat na katao, kabilang ang isang barangay chairman at pulis kaugnay sa bigong salvage sa 21-anyos na binata noong nakaraang buwan sa Taguig City.
Ang mga kinasuhan sa Taguig City Prosecutor’s Office ay sina PO3 Raiden Palma, nakatalaga sa Taguig City Police; Brgy. Chairman Nicknok Duenas; Ronilo Laraya at isang hindi pa nakikilalang suspek.
Samantala, kinilala naman ang biktima na si Mike Arnel delos Santos, na masuwerteng nabuhay makaraang magtamo ng walong tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ilang linggo rin itong nilapatan ng lunas sa Taguig-Pateros District Hospital at nasa comatose pa ang kalahating katawan nito, dahil ang balang tumama sa spine nito na malapit sa ari na hindi pa naaalis.
Base sa reklamo ng mga kaanak ng biktima sa tanggapan ni Chief Inspector Romeo Ramos Nino, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na nakabase sa Southern Police District (SPD), naganap ang insidente noong Oktubre 26, 2014, ala-1:20 ng madaling-araw sa Middle St., Signal Village, Brgy. Central, Taguig City.
Lumalabas sa report, si Delos Santos ay natagpuan ng kanyang kaibigan na duguan at iniwan sa tabi nito ang isang karatula, na nakasaad ang mga katagang “magnanakaw, karnaper ako huwag ninyo akong tularan”. Dito ay pinara ng tumulong na kaibigan ni Delos Santos ang isang paparating na sasakyan at agad na naisugod ang biktima sa pagamutan.
Doon nalaman na si Delos Santos ay tinangkang i-salvage ng mga suspect.
Sa ngayon ay nasa isang safehouse para sa seguridad nito at may impormasyon na nais umanong makipag-areglo ng mga suspek sa biktima, ngunit hindi ito pumayag at ang pamilya nito.
- Latest