Pilipino wala pa ring disiplina sa basura tuwing Undas-MMDA
MANILA, Philippines – Lumalabas na wala pa ring disiplina ang mga Pilipino na gumugunita ng Undas makaraang higit sa 800 toneladang basura ang mahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) buhat sa 21 sementeryo sa Metro Manila mula nitong Oktubre 27.
Sinabi ni Francisco B. Martinez, Acting Chief, Environmental Mngt. Division, na karamihan sa mga basurang kanilang nahakot ay mga Styrofoam containers, mga plastik na bote, bulaklak, mga pinagbalutan, at mga bag na puno ng basura buhat sa looban ng mga sementeryo.
Tinatayang nasa 350 tauhan ang ipinakalat ng MMDA sa 21 pangunahing sementeryo sa Metro Manila na nag-umpisa ng operasyon mula noong Oktubre 27 kung kailan nakahakot sila ng 22 trak ng basura. Nitong Oktubre 28, nasa 28 trak ng basura ang nahakot; Oktubre 29- 29 trak; Oktubre 30- 27 trak; Oktubre 31- 18 trak; at Nobyembre 1- 15 trak.
Sa kabuuan, nasa 139 trak ng basura ang nahakot ng ahensya o may katumbas na 834 toneladang basura sa loob ng limang araw.
Kabilang sa mga sementeryong sinerbisyuhan ng MMDA ang Manila North at South Cemetery; Sarhento Mariano Public Cemetery sa Pasay City; Palasan, Arkong Bato at Karuhatan Public Cemetery sa Valenzuela City; San Juan Public Cemetery; La Loma Public Cemetery sa Caloocan City; Libingan ng mga Bayani sa Taguig City; Pasig Public Cemetery; Baesa at Bagbag Public Cemetery sa Quezon City; San Joaquin, Aglipay at San Roque Cemeteries sa Pateros; Manila Memorial Park sa Parañaque City; Loyola Memorial Park sa Marikina City; Philippine Aglipay Cemetery; at Garden of Life Cemetery sa Mandaluyong City.
Dahil sa patuloy na pagdagsa ng tao sa Manila North at South Cemetery nitong Nobyembre 2, patuloy pa rin umano ang gagawin nilang paghahakot ng basura sa naturang dalawang sementeryo.
Nananawagan naman ang MMDA sa publiko lalo na sa taun-taon nagtutungo sa naturang mga sementeryo na sa susunod na Undas ay magdala na ng kanilang mga sariling garbage bag upang ipunin ang kanilang mga basura at ilagay sa mga designated areas para mas mabilis na mahakot ng kanilang mga tauhan.
- Latest