Parak na naman sa ‘hulidap’, inireklamo
MANILA, Philippines - Isa na namang tauhan ng Manila Police District-station 11 ang inireklamo ng umano’y pangongotong sa isang 56-anyos na negosyante na sinita lamang sa pagmomotorsiklo na walang helmet sa Binondo, Maynila, iniulat kahapon.
Nagtungo kahapon sa MPD-General Assighnment and Investigation Section ang biktimang si Edgardo Sy, ng Grace Park, Caloocan City para ireklamo si PO1 Marlon San Diego, nakatalaga sa nasabing presinto.
Sinabi ni C/Insp. Arsenio Riparip, hepe ng MPD-GAIS, na batay sa reklamo ay kinuha di umano ng nasabing pulis ang kanyang cash na P1,700 at inutusan pa ito na mag-withdraw sa automated teller machine (ATM) habang kasama ang suspek subalit hindi naman natuloy ang pagkuha ng pera dahil iniba umano ng biktima ang personal identification number (PIN) upang hindi maglabas ng pera ang machine.
Naganap ang insidente dakong alas-2:00 ng madaling-araw sa Escolta St. Binondo, Maynila.
Gayunman, sinabi ni Riparip na aalamin nila kung may katotohanan ang alegasyon sa pamamagitan ng komprontasyon.
Nakatakda na umanong ipatawag sa Lunes ang nasabing pulis upang harapin ang reklamo sa kaniya. (Ludy Bermudo)
- Latest