PBB, ginagastusan ang botohan
Ang dami nang nagbibigay ng opinyon tungkol sa online voting sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab kung saan affiliated ito sa Maya.
May mga naglabasang kuwento na milyun-milyon na raw ang inilabas na pera ng iba para maisalba lang ang paborito nilang housemates.
Meron daw P1.6 and P2 million.
Naniwala ako diyan, dahil noon pa ay may mga umaaray na sa malaking nagagastos nila sa pagboto para hindi lang ma-evict ang gusto nilang housemates.
Kahit ako nga ay nakikisabay rin. May ilang gusto kong housemates na talagang sinusuportahan ko, super vote talaga ako, kesehodang gumastos para makaboto sa Maya.
May nakausap akong nanay ng isang evicted housemate, tinatanggihan daw niya ang gustong mag-sponsor para makabalik lang ang anak niya sa Bahay ni Kuya nung nagka-wildcard.
Nahihiya raw siya, dahil aware siyang malaki talaga ang inilalabas na pera para hindi lang ma-evict.
Sabi na lang niya, kung papalarin, dahil lang daw sa taimtim na dasal kung makakabalik pa ba ang kanyang anak.
Narinig din niya sa iba na talagang milyon daw ang inilalabas na pera.
Okay lang kung naipon ‘yun mula sa napakaraming supporters, pero ito ay nanggaling sa isang sponsor lang.
May naririnig kaming may ilang duo na meron talagang nag-sponsor nang malaki para umabot sa finals ang sinusuportahang duo.
Kaya nga hanash ng iba, nasaan na ang reality roon. Maaaring ang mechanics o ang format ng naturang reality show, pero ang isa pang realidad dito, basta may pera ka, panalo ka!
“This is no longer about personality, competitiveness, or authenticity. It’s now all about business, money, and profit,” sabi ng isang netizen na may hanash din sa social media.
Sana ibalik daw ang dating mechanics na talagang sa text votes lang bumabase. Hindi pera-pera.
Naintindihan naman nating negosyo ito, at kailangang kumita sila. Pero ang lakas nitong PBB ngayong season, kaya ang daming advertisers na nagpe-place ng ads sa naturang show.
Nakikita naman sa rami ng mga produktong nakabalandra sa loob ng Bahay ni Kuya.
Nadagdag pa itong voting sa Maya na bayad ang bawat boto, kaya ang sabi na ng ilan, ang PBB nila ay Paldo Big Brother!
Nitong mga huling episode, may mga task ang housemates na may matatanggap na donasyon ang pinili nilang charitable institution.
Pero magkano lang naman ito sa napakalaking kinikita ngayon ng naturang reality show.
Jiggy at misis, mahigit isang taong binuo ang kanilang docu
Ang ganda ng nabuong content ng mag-asawang Jiggy at Marnie Manicad, ang docu series na I Love Filipino na nasa top 10 trending ngayon sa Netflix.
Limang episodes ito na tumatalakay sa pagkaing Pinoy na pinamagatang Pinoy Altanghap, sa musika na Himig naman ang title, ang Juan with Art, ang kuwento ng mga sawsawan na SawsawJuan at sa architecture naman na Bahay Kubo ang title.
Ang ganda ng pagka-produce na talagang ginastusan nang husto na umabot daw ng isa at kalahating taon daw ginawa.
Sabi ni direk Marnie na siyang nag-produce at nagdirek nito, “‘Yung name ng company is MMPI, so team MMPI has always been on the lookout to best serve God and country. So, the best way that we could do this is by creating some content that can glorify God.
“So what better to do it by producing content that can be educational, uplifting, something very positive. Kaya po namin naisip na gumawa ng ganitong klaseng material.”
Bukod kay Jiggy ang host nito, bahagi rin siya sa research team at nagsulat ng script.
Nagpasalamat sila sa Netflix dahil nagamit ang naturang streaming service para iparating ang magandang mensaheng gustong iparating ng naturang docu series.
“Hindi siya sugarcoat, pero ipakita natin ‘yung totoo na kultura natin, paano tayo as a people na masaya talaga. Because hindi mo mapapanood ‘yung mga ganitong mga topics usually e.
“So, malaking bagay ‘yung streaming platform, because malaking window din siya sa ibang parte ng mundo na makilala naman tayo na tayong mga Pilipino ay masaya, magaling, creative. Maraming positive sa atin, hindi lang puro negative stories. So, ‘yung isa sa mga nakakatuwa po dun,” saad ni Jiggy Manicad.
Nagpasalamat sila sa magagandang feedbacks na natatanggap nila. Meron pa nga raw nagsa-suggest na magandang iikot ito sa mga eskuwelahan, dahil educational ito.
“We’ve been getting positive feedbacks also.
“Mostly ang sinasabi nila, marami sila talagang natutunan na new discoveries.
“Kumbaga, nandiyan lang naman sa palibot natin ‘yung mga topics na ito, pero because of the series, talagang na-inspire sila to love, what’s already there, what actually exists. So, nakakataba ng puso, and we offer everything to our Lord. And magkakaroon lang talaga tayo ng continuation, ‘di ba? We will get more episodes of these sorts if our fellow Filipinos will support itong first salvo natin, itong I love Filipino.
“We just really hope and pray that more Filipinos get to watch it, so that they can learn more about our culture, about our very rich heritage,” sabi naman ni direk Marnie Manicad.
- Latest