Libu-libong pamilya sa QC, inilikas sa lampas tao na pagbaha
MANILA, Philippines - Bunga ng walang humpay na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong Mario, nagmistulang water world ang maraming barangay sa lungsod Quezon, kung saan tinatayang nasa 5,000 residente ang inilikas at dinala sa iba’t ibang evacuation center dito, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District Tactical Information Center, partikular na nilubog sa mataas na tubig baha na umabot sa mga bubungan ng bahay ay ang Brgy. Roxas District at Barangay Silangan.
Sa Roxas district, nasa 300 pamilya ang inilikas ng mga tropa ng QCPD station 10, at dinala sa mga evacuation center. Gumamit na ang awtoridad ng improvised na bangka para lang mailikas ang naturang mga residente.
Partikular na inilikas ang mga pamilyang naninirahan malapit sa tulay dahil sa umabot na sa bubungan ng kanilang bahay ang tubig-baha rito.
Umapaw din ang tubig baha sa mga kabahayan sa Bagong Silangan kung saan may 400 pamilya ang iniulat na inilikas sa kani-kanilang mga tahahan.
Sa naturang barangay din iniulat na nasawi sa pagkalunod habang inililikas ang isang 12- anyos na dalagita na hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Lumubog din sa tubig baha ang Barangay Tatalon kung kaya maraming pamilya rin ang inilikas dahil sa umabot na hanggang lampas tao ang tubig dito.
Ayon pa sa ulat, may 500 pamilya ang nasa evacuation center sa Gen. San Diego, habang 800 pamilya naman ang inilikas sa Brgy. Apolonio covered court.
Alas-6 ng umaga ay nagpatupad ng preemptive evacuation ang pamunuan ng La Mesa dam sa mga pamilyang naninirahan malapit sa Tullahan river dahil sa pag-apaw ng tubig.
Dito ay inilikas ng mga rescue team ang mga lugar sa Fairview, Sta Lucia, Gulod, Baesa, Novaliches proper, Nagkakaisang Nayon, North Fairview, San Bartolome at Sta. Monica.
- Latest