2 parak na dawit sa panibagong kidnap, sumuko
MANILA, Philippines - Hawak na ng Caloocan City Police ang dalawang pulis na itinuturong sangkot sa pagdukot sa isang Chinese national sa Monumento na tinangkang ipatubos ng ransom nitong nakaraang Lunes.
Nai-turnover na ng Malolos City Police kay Caloocan Police chief, Sr. Supt. Ariel Arcinas ang mga suspek na sina PO1 Danilo Sytamco, Jr. at PO2 Xerces Sarmiento Martin, kapwa nakatalaga sa Bulacan Police Provincial Office.
Isa pang pulis na hindi muna pinangalanan ni Arcinas na sangkot din sa naturang pagdukot ang pinaghahanap ngayon. Pinayuhan nito ang pulis na kusang-loob na sumuko na lamang kung nais na linisin ang pangalan.
Ang mga suspek ang itinuturong dumukot sa 43-anyos na biktimang si Li Han Zhang, nitong nakaraang Lunes ng hapon. Sinabi ni Li na kagagaling lamang niya sa selebrasyon ng Moon Festival sa Caloocan at pasakay na ng jeep sa may Monumento nang lapitan ng mga suspek at pilit na inaresto.
Isinakay ang biktima sa isang kotse, iginapos at piniringan bago dinala sa isang lugar sa Bulacan. Dito umano siya hiningan ng mga suspek ng P10 milyon upang mapalaya na bumaba sa P3.5 milyon matapos na magkatawaran.
Bago ang bayaran nagawang makatakas ng biktima nang makatulog ang mga bantay sakay ng kotse. Nagkasugat-sugat naman ang katawan ng Tsino dahil sa matagal na pagtatago sa talahib hanggang sa makatiyak na wala na ang mga suspek na naghahanap sa kanya. Nagawa nitong makasakay ng bus at taxi hanggang sa makarating sa Quiapo, Maynila at dito nakahingi ng tulong sa awtoridad.
Iniimbestigahan din ng Caloocan Police ang isang babaeng Tsino na kasama umano ni Li nang madukot ito at ang isang babaeng kausap sa telepono ng mga suspek na nagsisilbing interpreter sa negosasyon sa ransom.
Nakatakdang sampahan naman ng kasong kidnapping ang mga inarestong pulis sa Caloocan Prosecutor’s Office habang kasong “grave misconduct” naman ang isasampang kasong administratibo na maaaring maging daan para masibak ang dalawang pulis sa serbisyo.
- Latest