Mga pulis ang biniktima, kelot sa multi-million pyramiding scam, timbog
MANILA, Philippines - Isang 26-anyos na lalaki na tinaguriang utak sa isang multi-milyong pyramiding scam na nambiktima ng mga police official ang nahulog sa kamay ng mga kagawad ng Makati City Police sa isang entrapment operation na isinagawa kamakalawa ng hapon sa isang mall sa naturang siyudad.
Nakakulong ngayon sa Makati City Police detention cell at sinampahan ng kasong large scale estafa ang suspek na si Peter James Abarico, taga San Juan City.
Tinatayang aabot sa 30 pulis ang dumagsa sa General Assignment Section ng Makati City Police upang magreklamo laban sa suspek na si Abarico.
Sa report ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City Police, alas-3:00 ng hapon nang madakip ang suspek na si Abarico sa isang mall sa lungsod sa isang entrapment operation na isinagawa ng mga pulis.
Nabatid sa mga nabiktimang pulis, hinikayat sila ng suspek upang mag-invest umano sa kanya dahil mabilis na lalago ang pera na may malaking interes lalu pa aniya kung ipauutang nila ito.??
Nagtiwala naman ang mga biktimang pulis na karamihan dito ay mga opisyal dahil sa isang opisina sa Camp Karingal, Quezon City Police District (QCPD) mismo nangyayari ang mga transaksyon at naudyukan pa sila ng ibang opisyal ng PNP na lalung kikita ang kanilang pera kapag pinautang pa nila ito.
Hinala ng ibang nabiktima, na kasama ng suspek sa pyramiding scam ang ilang opisyal ng PNP na nagkumbinsi para ipautang ang kanilang pera na tinatayang nasa P50,000 hanggang P2 million.
Pansamantala munang hindi ibinunyag ang mga pangalan ng police official na nangumbinsi sa mga biktima.??
Sinabi pa ng mga biktima, na una ay tinupad ng suspek ang pagbalik ng pera nila na may kasamang interes hangga’t sa hindi na lang ito nagpakita.?? Tinatayang aabot sa P200 million hanggang P300 million ang natangay ng suspek mula sa kanyang mga naging biktima.
Hinikayat ng Makati City Police, na lumutang na ang iba pang nabiktima upang bumigat ang kasong large-scale estafa na isasampa laban kay Abarico.
- Latest