187 pamilya sa estero sa San Juan, inilikas
MANILA, Philippines - May kabuuang 187 pamilya na naninirahan sa gilid ng estero sa San Juan City ang inalis na sa kinatitirikan nilang bahay at inilipat sa mas ligtas na lugar kahapon.
Ayon kay Interior and Local Government Sec. Mar Roxas, mapanganib na sa mga residenteng nasa gilid ng Salapan Creek ang lugar lalo na kapag may bagyo kung kaya kinakailangan na silang ialis dito at dalhin sa mas ligtas na lugar.
Sabi ng kalihim, ang mga apektadong pamilya ay pagkakalooban ng housing unit ng pamahalaan sa ilalim ng “Oplan Likas” program.
Nilinaw ng kalihim na ang boluntaryong relokasyon ay upang bigyang daan ang konstruksyon ng Salapan Pumping Station at ng River Wall na napatunayan ng mga residente ng San Juan na nakapagpababa sa taas ng tubig baha nang manalasa ang bagyong si Glenda.
Ang “Oplan Likas” ay programa ng pamahalaan na ang layunin ay irelocate ang mga informal settlers families (ISFs) mula sa mapanganib na lugar sa iba’t-ibang parte ng Metro Manila. Magiging daan din ito para mapabilis ang paghukay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga dike, sapa, o mga imburnal na makapagpapabuti sa takbo ng tubig at maalis ang pagbaha kapag umuulan.
- Latest