Mensahero sugatan sa holdap
MANILA, Philippines - Sugatan ang isang messenger ng isang dealer ng softdrinks matapos itong barilin at holdapin ng dalawang hindi nakikilalang suspects habang ang biktima ay papunta sa isang banko para mag-deposito ng halagang tinatayang nasa P.1 milyon, kahapon ng umaga sa Makati City.
Ginagamot ngayon sa Saint Claire Hospital sa Brgy. Palanan ang biktimang si Celedonio Corsedo, 66, ng Cainta, Rizal na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang hita buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Lumalabas sa sketchy report na natanggap ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City Police, naganap ang insidente alas-10:30 ng umaga sa panulukan ng Gil Puyat Avenue at Edison St., Brgy. San Isidro ng naturang lungsod habang naglalakad ang biktimang si Corsedo dala ang isang bag na naglalaman ng halagang P100,000.00 para ideposito sa banko.
Sinalubong ito ng dalawang kalalakihan sabay na nagdeklara ng hold-up ang mga suspect.
Papalag sana ang biktima, subalit binaril siya ng isa sa mga suspek dahilan upang duguan itong bumagsak.
Matapos matangay ng mga suspek ang naturang halaga, naglakad lamang ang mga ito ng ilang metro ang layo patungo sa nakaparada nilang motorsiklo na hindi naplakahan na ginamit sa pagtakas.
Sa ngayon ay iniimbestigahan ng pulisya ang insidente at inaalam na rin nila kung “inside job” ang naganap na panghoholdap.
- Latest