Bebot utas sa pamamaril sa Taguig
MANILA, Philippines - Patuloy ang nagaganap na patayan sa lungsod ng Taguig makaraang isang babae ang binaril ng malapitan sa ulo ng mga hindi pa nakikilalang salarin, kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan sa nasawing babae na may taas na limang talampakan, nakasuot ng maong na short pants at asul na sleeveless shirt. Ito na ang ikalimang biktima ng mga nagaganap na patayan sa lungsod kung saan nananatiling blangko ang pulisya sa pagkakakilanlan at motibo sa pamamaslang.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-9 ng gabi nang pumailanlang ang putok ng baril sa may Cagayan De Oro St. sa Maharlika Village sa naturang lungsod. Nang respondehan ng mga awtoridad, natuklasan na lamang ang nakabulagtang biktima na naliligo sa sariling dugo.
Isa sa mga saksi ang nagpahayag sa pulisya na nakita pa niya ang suspek na mabilis naglakad palayo sa lugar bitbit ang ginamit na baril. Ipinapalagay na dayo naman sa lugar ang biktima dahil sa walang nakakakilala dito.
Magugunita na noong Setyembre 22 ay dalawang hindi nakikilalang lalaki ang pinaslang sa New Lower Bicutan na malapit lamang sa Brgy. Maharlika na sinundan pa ng pagpatay sa isang hindi kilalang lalaki kinabukasan. Isa pang hindi rin kilalang babae ang binaril sa naturang lugar noong Setyembre 28.
- Latest