Pag-ulan sa MM, hanggang bukas pa
MANILA, Philippines - Aabutin ng hanggang bukas (araw ng Miyerkules) ang pag-uulan sa Metro Manila at mga karatig-lugar nito.
Ayon kay Manny Mendoza, weather forecaster ng PAGASA, muling lumakas ang habagat na nagdadala ng matinding buhos ng ulan sa mga nasa kanlurang bahagi ng Luzon dahil nahatak ang habagat ng super typhoon Odette na ngayon ay nanaÂnalasa naman sa China.
Sinabi ni Mendoza na mula pa noong Linggo ng gabi ay nagpapatupad na ng yellow warning ang PAGASA na nangangahulugan ng inisyal na abiso ng malakas na ulan at pagbaha.
Pero dahil sa patuloy na ulan kahapon, naglabas ang PAGASA ng orange warning na nangangahulugan ng mas matinding buhos ng ulan, pagbaha at pagguho ng lupa ang mararanasan.
Pinapayuhan ang lahat para sa ibayong pag-iingat at patuloy na pag-monitor sa lagay ng panahon dahil sa posibilidad ng paglikas, partikular na ang mga residenteng nakatira sa mabababang lugar na apektado ng habagat.
Kabilang sa mga nasa ilalim ng naturang abiso ay ang buong Metro Manila, Rizal, Central Luzon laluna sa Bulacan, Pampanga, Zambales, Bataan at Calabarzon laluna ang Laguna, Quezon at Cavite gayundin ang Occidental Mindoro.
Ang Mimaropa at Bicol Region, gayundin ang Visayas at Mindanao ay makararanas naman ng maulap na kalaÂngitan na may mga pag-ulan.
Mapanganib naman sa mga bangka na maglayag sa karagatan na apektado ng habagat dahil sa malalaking alon.
- Latest