Utak, 5 pang dawit sa pagpatay sa Tsinoy trader, kinasuhan
MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong kriminal ng San Juan City Police ang itinuturing na utak at lima pang kasamahan nito na sangkot sa pagpatay sa isang negosyanteng Tsinoy nitong Enero sa naturang lungsod.
Kasong murder ang isinampa ng pulisya sa San Juan Prosecutor’s Office laban kina Benedict Tan Tiu, ang itinuturong utak sa krimen; tauhan nito na si Reggie Guadayo; driver na si Hersan Fuentes at tatlong hindi pa kinilalang suspect.
Ayon kay San Juan Police chief, Sr. Supt. Bernard Tambaoan, ang mga suspek ang itinuturong nagsabwatan sa pagpatay sa biktimang si Kelvin Tan, 34, architect at may-ari ng KT Builders Inc.
Ibinase ng pulisya ang pagsasampa nila ng kaso sa nakuhang CCTV footage na nakita si Guadayo na nakikipag-usap sa gunman bago ang pagpatay sa biktima.
Taliwas ito sa pahayag ng suspek nang lumutang sa istasyon upang linisin ang pangalan. Ayon pa sa hepe, magkakatugma ang pahayag ng isa sa testigo na nakakita rin kay Guadayo at kuha ng CCTV camera.
Bukod dito, nabatid na nag-alok pa umano ng malaking halaga ang abogado ni Tiu sa mga imbestigador upang hindi maisama sa kaso ang kanyang kliyente.
Matapos na makunan ng pahayag ang mga suspek, bigla na lamang hindi na mahagilap ang mga ito na pinaniniwalaang nagtatago na. Una nang nagsagawa ng manhunt operations ang pulisya ngunit nabigo na maaresto ang mga suspek.
Umaasa naman ang pulisya na agad magpapalabas ng warrant of arrest ang korte para makapagsagawa ng operasyon upang madakip ang mga suspek.
Magugunitang binaril at napatay si Tan sa harap ng Heavy Lift Manila Inc., sa No. 14, Unit 2 CBC building, Ortigas Avenue malapit sa Madison Street, Brgy. Greenhills, San Juan City alas-10:30 ng umaga noong Enero 28 matapos mag-withdraw sa banko ng halagang P.8 milyon.
- Latest