Baril ng 18,000 parak sa NCRPO, bubusalan
MANILA, Philippines - Nakatakdang kabitan ng masking tape ang mga baril ng 18,000 miyembro ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa darating na Disyembre 29.
Sinabi ni NCRPO Director Leonardo Espina na ito ay bahagi pa rin ng taunang pagtiyak na walang pulis na magpapaputok ng kanilang service firearm sa pagsalubong sa Bagong Taon upang maiwasan ang mga tinatamaan ng ligaw na bala.
Pangungunahan ni Espina ang ceremonial taping sa NCRPO Headquarters sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City kasabay ng paglalagay din ng tape ng mga District Directors sa kani-kanilang headquarters at police stations.
Muling nagbabala si Espina na sinumang pulis na madidiskubreng nagpaputok ng kanilang baril na walang sapat na dahilan ay agad na matatanggal sa serbisyo. Maaari naman umanong gamitin ang baril sa lehitimong pagresponde laban sa mga kriminal.
Upang matiyak na may mapaparusahan, hinimok ni Espina ang publiko na gamitin ang kanilang mga cellular phones sa pagkuha ng ebidensya sa pamamagitan ng litrato o video footages sa mga pulis na makikita nilang iligal na nagpapaputok ng kanilang baril.
Personal ding iinspeksyunin ni Espina ang mga baril ng mga pulis pagkatapos ng Bagong Taon upang malaman kung nagamit ito o hindi.
- Latest