Nilinaw ng NCRPO Taguig chief of police, hindi sibak sa puwesto
MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ni NCRPO Director Leonardo Espina na mananatili pa rin sa puwesto bilang Taguig City Chief of Police si Senior Supt. Tomas Apolinario dahil hindi pa naman napatunayan ang akusasyon laban dito.
Ang paglilinaw ay ginawa mismo ni Espina matapos na rin lumabas na tinanggal na sa puwesto si Apolinario.
Aniya, kuryente ang nasabing balita dahil sa ngayon ay wala pa namang probable cause na nagdidiin kay Apolinario maliban sa naging pahayag ni SPO3 Alexander Saez.
Sa isang statement, tinawag naman na sinungaling at pawang black propaganda lamang ni Saez ang akusasyon nito kay suspended Taguig City Chief of Police Senior Supt. Tomas Apolinario na umano’y sangkot sa pagre-recycle o pagbenta ng nakumpiskang shabu sa naisagawa nilang mga operasyon sa Taguig.
Ayon kay Apolinario malinaw na walang basehan ang paratang laban sa kanya ni Saez at binabaliktad lamang siya nito bilang paghihiganti matapos niyang sibakin sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot sa ilang iregularidad.
Ani Apolinario, hindi nito sisirain ang kanyang iniingatang pangalan at ranggo para lamang sa pera. Naniniwala si Apolinario na isang bigtime drug syndicate na nalansag ng Taguig Police ang nasa likod ni Saez sa motibong maalis ito sa puwesto upang muling lumaganap ang droga sa lungsod. Inamin din naman nito na may ilang pulis Taguig ang sentro ng kanilang internal investigation kaugnay sa pagkakasangkot sa ilang katiwalian.
Matatandaan na isang big-time drug pusher na si Elisa Tinga ang nasakote ng Taguig City Police kamakailan, si Tinga na miyembro ng Tinga Drug Syndicate ay nasa ‘order of battle’ ng PNP.
- Latest