Paglilinis sa mga sementeryo tatagal ng 3 araw
MANILA, Philippines - Sa kabila na mas kokonti umano ang basurang iniwan ngayon sa mga sementeryo, inaasahang tatagal pa rin ng halos tatlong araw ang paglilinis nito habang 35 trak ng basura naman ang inisyal na nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nag-umpisa na ng kanilang operasyon.
Sinabi ni Manila South Cemetery administrator Henry Dy na kailangan pa rin nila ng tatlong araw bago tuluyang malinis ang sementeryo dahil sa laki nito. Mas kokonti umano ang basura dahil sa marami ang hindi na nagdala ng pagkain sa pagtungo sa sementeryo.
Patuloy pa rin naman umano ang negatibong ugali ng mga Pilipino na itambak ang kanilang mga basura sa mga puntod na walang dalaw.
Sa datos naman ni MMDA Metro Parkway Clearing Group head Francis Martinez, siyam na trak ng basura ang una nilang nahakot sa Manila South Cemetery sa Makati; siyam sa Manila North Cemetery sa Maynila; lima sa La Loma Public Cemetery; lima sa Loyola Cemetery sa Marikina; dalawa sa Valenzuela Public Cemetery; tatlo sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig; isa sa San Juan Public Cemetery at isa sa Barrachs Cemetery sa Pasig.
Sinabi ni Martinez na lalo pang darami ang basura na kanilang hahakutin sa pagtatapos ng Undas kung saan mag-uumpisa ang totoong paglilinis ng MMDA at ng mga lokal na pamahalaan.
- Latest