Enriquez nagkasya sa silver
MANILA, Philippines — Nakawala kay national jiu-jitsu fighter Alexandria Enriquez ang pagkakataong maibigay sa Pilipinas ang pang-lima sanang gold medal sa 20th Asian Games kahapon sa Aichi-Nagoya, Japan.
Minalas si Enriquez kay Orapa Senatham ng Thailand via advantage sa gold medal round ng women’s -63 kilogram division sa Aichi Prefectural Martial Arts Hall.
Bago matalo kay Senatham sa finals ay tatlong sunod na panalo ang kinuha ni Enriquez sa pamamagitan ng submission.
“No points were scored on me and I had three submissions leading up to the final. And then I really faced a tough opponent,” wika ng 27-anyos na Pinay jiu-jitsu warrior.
Nakuha ni Senatham ang mahalagang puwesto kung saan niya napatumba si Enriquez para sa krusyal na advantage point sa gitna ng kanilang laban.
Ilang beses pinilit ni Enriquez na makawala, ngunit hindi siya binigyan ng pagkakataon ng Thai na magawa ito.
Nangako si Enriquez na reresbak sa susunod na Asiad para tuluyan nang makuha ang ginto.
Bukod sa silver ni Enriquez ay nakahugot din ng bronze ang Philippine jiujitsu team mula kay Kaila Napolis sa women’s -52kg. category.
- Latest





















