Ginebra, SMB laglagan sa huling semis spot

MANILA, Philippines — Mag-aagawan sa huling tagay ang Barangay Ginebra at San Miguel Beer para kumpletuhin ang Final Four cast ng PBA Season 50 Governors’ Cup ngayon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Gin kontra Beer ang labanan sa Game 5 ng best-of-five quarterfinals series para sa nag-iisang laro sa alas-7:30 ng gabi tampok ang huling silya sa semifinals matapos ang pagpasok ng reigning champion Talk ‘N Text, NLEX at Converge.
Sinumang lumusot ay makakatapat ang Tropang 5G habang sagupaan sa kabilang best-of-seven bracket ang mga bagitong Road Warriors at FiberXers.
Wagi ang Ginebra sa unang 2 sagupaan, 104-95 at 126-99, bago makaganti ang SMB sa huling 2 laro, 101-98, at 108-102 panalo.
Subalit para sa kapitan at assistant coach na si Chris Ross, walang sinabi ang dala nilang momentum sa winner-take-all at back-to-zero na duwelo sa Game 5.
“We haven’t done nothing yet, we just evened the series,” anang 41-anyos na Ross na walang kupas sa Game 4 sa likod ng 20 puntos, 6 rebounds, 9 assists at 5 steals na performance.
“They won two straight we won two straight. We’re on to a decider. That’s usually how it goes when we play Ginebra. When we play Ginebra we go to a Game 6 or 7. We’re excited to play in the next game.”
Bagama’t binatikos ang officiating na nakaapekto sa comeback nila sa Game 4 para tapusin na sana ang serye, aminado si Cone sa matinding balikwas na ipinamalas ng Beermen kaya maghahanda sa sarili nilang bawi upang makumpleto pa rin ang misyon.
Bibida si Jordan Murphy para sa Gin Kings kaakbay sina Scottie Thompson, RJ Abarrientos, Stephen Holt, Troy Rosario at Japeth Aguilar kontra kina George King, June Mar Fajardo, CJ Perez, Don Trollano, Marcio Lassiter, Jerrick Ahanmisi at CJ Perez para sa mga manok ni coach Leo Austria.
- Latest
















