Galeries Tower bubuhayin pag-asa
MANILA, Philippines — Pilit na bubuhayin ng Galeries Tower ang pag-asa sa isang semifinals spot sa pagharap sa ZUS Coffee sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series.
Lalabanan ng High Risers ang Thunderbelles ngayong alas-6 ng gabi, habang magtutuos ang mainit na PLDT High Speed Hitters at Farm Fresh Foxies sa ala-1 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Hawak ng Nxled ang solong liderato bitbit ang 5-0 baraha kasunod ang Creamline (4-1), PLDT (3-2), Farm Fresh (3-2), Akari (3-3), Choco Mucho (3-3), Capital1 Solar Energy (2-4), Galeries Tower (1-4) at nang ZUS Coffee (0-5).
Tuluyan nang nakasama sa win column ang Highrisers matapos ang 25-22, 26-24, 23-25, 15-25, 15-10 pagsapaw sa Chargers para tapusin ang apat na sunod na kamalasan.
Pumalo si Erika Deloria ng 20 points sa nasabing panalo ng Galeries Tower sa Akari na bumuhay sa kanilang tsansa sa semifinals.
Muling makakatulong ni Deloria sa Highrisers sina Jean Asis, Lycha Ebon, Alyssa Bertolano, Roselle Baliton, rookie setter Lams Lamina at libero Dolly Verzosa.
Hanap naman ng Thunderbelles ang kanilang kauna-unahang panalo at aasang muli kina Jovelyn Gonzaga, AC Miner, Jolina dela Cruz, Zam Nolasco, Riza Nogales, Kate Santiago, setter Cloanne Mondoñedo at libero Alyssa Eroa.
- Latest
















