GenCorp counsel ‘di makakadalo sa impeachment trial

MANILA, Philippines — Hindi makakadalo sa pagdinig ngayong Nobyembre 9 ang corporate counsel ng GenCorp Industries Inc. na nakatakdang tumestigo para sa depensa ni Vice President Sara Duterte sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Senado.
Ayon kay House lead prosecutor Rep. Gerville “Jinky” Luistro, ipinaabot sa kanila na hindi makadadalo si Atty. Suzette Balucan-Punay dahil nakaiskedyul siyang sumailalim sa Magnetic Resonance Imaging (MRI) scan.
Ani Luistro sa isang panayam sa radyo, saklaw ng subpoena kay Balucan-Punay ang Lunes hanggang Miyerkules, subalit dahil sa nakatakdang MRI procedure nito ay hindi ito makahaharap sa pagdinig ngayong Nobyembre 9.
Muling magko-convene ang Senate impeachment court alas-10 ng umaga upang ipagpatuloy ang paglilitis kay Duterte matapos ang ilang linggong sine die break ng Kongreso at paggunita sa Undas.
Sa halip na si Balucan-Punay, inaasahang tatayo sa witness stand sina Engr. Jaime Dalin ng Davao City Assessor’s Office, Engr. John Kenneth Enumerables ng Island Garden City of Samal Assessor’s Office, at si Cindy Colina, barangay captain ng Matina Crossing sa Davao City.
Nauna nang umatras sa pagtestigo para sa depensa si dating law dean Ralph Sarmiento, na siya sanang magiging unang witness ng kampo ni Duterte.
Samantala, nasa 25 testigo ang inihanda ng depensa ni Duterte kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth.
- Latest















