Eala reresbak kay Shnaider sa rematch

Sa Pan Pacific Open Quarterfinals
MANILA, Philippines — Matapos ang isang linggo, muling magkukrus ang mga landas nina Pinay tennis sensation Alex Eala at Russian star Diana Shnaider.
Maghaharap sina Eala at Shnaider sa quarterfinals ng 2026 Pan Pacific Open sa Tokyo, Japan.
Sa kanilang Round of 16 match sa nakaraang Ningbo Open sa China ay tinalo ng World No. 13 na si Shnaider ang No. 19 na si Eala, 5-7, 4-6.
Sumampa si Shnaider sa semifinals kung saan siya natalo sa nagreynang si Elena Rybakina.
Inaasahang reresbakan ng 21-anyos na si Eala ang 22-anyos na si Shnaider sa kanilang ikalawang pagtatagpo ngayong taon.
“I think Diana’s been having a really great season, obviously, and playing super well,” sabi ni Eala kay Shnaider.
Naglalaro si Eala sa Pan Pacific Open, isang WTA 500 event, bilang No. 8 seed, habang No. 3 si Shnaider.
“She was on before me, and it was a really great match, so it’s going to be a tough one, and I’m really excited,” dagdag ng Pinay netter.
Naitakda ang rematch nina Eala at Shnaider sa quarterfinals matapos sibakin sina Talia Gibson ng Australia, 4-6, 6-2, 6-0, at Aliaksandra Sasnovich ng Belarus 6-3, 6-7 (7), 6-3, sa Round of 16, ayon sa pagkakasunod.
Kagaya ni Eala, sabik din si Shnaider sa muli nilang pagkikita matapos sa Ningbo Open.
“I’m very happy with the way I played today and the way I competed because definitely, Alex will be very dangerous and tough opponent next round,” ani Shnaider.
Sinimulan ni Eala ang kampanya sa Toray Pan Pacific Open sa pamamagitan ng 6-1, 6-2 dominasyon laban sa 17-anyos na si British wildcard Mika Stojsavljevic sa Round of 32.
Isinunod ni Eala si Gibson sa Round of 16 papasok sa quarterfinals para muling makatapat si Shnaider.
Matapos ang Toray Pan Pacific Open ay didiretso si Eala sa Hong Kong Tennis Open sa susunod na linggo.
Hangad ni Eala na makabawi sa mga nakaraang kamalasan sa Singapore Open at sa Wuhan Open.
- Latest


















