Dagdag kawani para sa School-Based Mental Health Program, patuloy na isinusulong
Sa gitna ng nagpapatuloy na mga hamong may kinalaman sa bullying at karahasan sa loob ng mga pampublikong paaralan, isinusulong ng inyong lingkod ang pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program alinsunod sa mandato ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080).
Layunin ng School-Based Mental Health program na bigyang kalinga ang ating mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagtaguyod sa kanilang mental health. Upang maipatupad ang programang ito, itinakda rin ng batas ang layuning magkaroon ang ating mga pampublikong paaralan ng sapat na mga propesyonal na makakapaghatid ng mga programa at serbisyong may kinalaman sa mental health.
Kung ating babalikan, hinaharap natin ang malaking kakulangan sa mga Guidance Counselor. Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), wala pang 1,000 Guidance Counselor ang mayroon para sa mahigit 45,000 na mga pampublikong paaralan sa bansa. Bagama’t may 4,000 na mga posisyon para sa Guidance Counselor sa ilalim ng DepEd, malinaw na hindi pa napupunan ang malaking bahagi nito.
Upang unti-unti nating mapunan ang kakulangang ito, lumikha ang Republic Act No. 12080 ng mga bagong posisyon para sa mga propesyonal na may kakayahang maghatid ng mga programa at serbisyo para sa mental health. Kabilang dito ang mga posisyon na School Counselor at Schools Division Counselor na maaaring punan ng Registered Guidance Counselor at Registered Psychologist. Nilikha rin natin ang posisyong School Counselor Associate para sa mga nagtapos ng kursong may kaugnayan sa guidance and counseling.
Sa ilalim ng 2026 national budget, P2 bilyon ang inilaan para sa pag-hire ng 10,000 na School Counselor Associate. Naglaan naman ang 2027 National Expenditure Program ng P519 milyon para sa karagdagang 1,800 School Counselor Associates.
Patuloy nating susuportahan ang paglalaan ng dagdag pondo upang bawat paaralan ay magkaroon ng mga propesyonal para sa pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program.
- Latest
















