1 sa 2 suspek sa pagpatay sa tserman, tukoy na
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Natukoy na ng pulisya ang isa sa dalawang salarin sa pagpatay sa kapitan ng barangay na si Dennis Austria sa kanyang tirahan sa Sto. Tomas, Batangas, noong Huwebes.
Pansamantalang itinago ng pulisya ang pangalan ng isa sa dalawang suspek habang hinihintay ang isinasagawang imbestigasyon at ang pagsasampa ng kaukulang reklamong kriminal laban dito.
Ayon sa pulisya, nakunan ng CCTV ang mukha ng salarin at plate number ng motorsiklo na ginamit ng riding in-tandem habang tumatakas patungong Barangay Turbina sa Calamba City.
Magugunita na habang naglilinis ang biktima ng kanyang ari-arian sa My Homes Subdivision nang pasukin siya ng dalawang lalaki at pagbabarilin ng maraming beses. Nagtamo siya ng dalawang tama ng bala sa ulo at apat sa katawan na kanyang ikinamatay.
Nakikipag-ugnayan na ang Highway Patrol Group-Calabarzon team sa Land Transportation Office para matunton kung sino ang rehistradong may-ari ng motorsiklo.
Nauna rito, sinabi ng pulisya na mayroon silang dalawang persons of interest kabilang ang isang dating pulis sa pagpatay sa isang punong barangay sa kanyang tirahan.
Ang dating pulis na iniulat na may ranggong isang Master Sergeant ay nagtanim umano ng sama ng loob at galit kay Austria dahil sa alitan sa lupa. Nagsampa umano si Austria ng reklamong grave threats laban sa dating pulis.
Tinitingnan ng task group ang posibilidad na isang ‘old grudge’ o lumang alitan ang motibo sa pagpatay, gayunman, naniniwala ang misis ni Austria na may kaugnayan sa pulitika ang motibo sa pagpatay sa asawa.
- Latest





















