NSC sisilipin pondo mula China sa Sara-linked firm

MANILA, Philippines — Sineseryoso ng National Security Council (NSC) ang impormasyong iniharap sa Senate impeachment court kaugnay ng umano’y pagdaloy ng pondo mula sa China patungo sa isang Philippine-based company na inuugnay sa pamilya ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay NSC Secretary Eduardo Oban Jr., bagama’t nagpapatuloy pa ang proseso ng impeachment laban sa bise presidente, kinakailangang masusing suriin at imbestigahan ang naturang impormasyon alinsunod sa umiiral na legal na proseso.
Sinabi ni Oban na ang mga napaulat na transaksiyon at anumang kapani-paniwalang impormasyon hinggil sa malalaking dayuhang pinansyal na pagdaloy ng pera ay nararapat na masusing pag-aralan dahil sa posibleng implikasyon nito sa pambansang seguridad.
Dagdag pa nito, nakatakdang suriin ng konseho ang mga impormasyong iniharap at patuloy na uutusan ang mga intelligence at investigative agencies, habang nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensiya ng gobyerno upang alamin ang posibleng epekto nito sa pambansang seguridad.
Una nang sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na posibleng ginagamit ng China ang pagpopondo upang makalikha ng impluwensiyang dayuhan sa Pilipinas at suportahan ang mga pulitikong may maka-China na paninindigan. Hinamon pa umano ng kalihim ang naturang mga opisyal na magbitiw na lamang sa puwesto.
- Latest



















