Amaya Cojuangco pumana ng silver sa Asian Games

MANILA, Philippines — Pumana si Amaya Amparo Cojuangco ng pilak na medalya sa women’s compound kahapon sa 2026 Asian Games archery competitions na ginanap sa Okazaki Chuo Sogo Park Multipurpose Square sa Nagoya, Japan.
Nagkasya lamang sa ikalawang puwesto si Cojuangco matapos lumasap ng dikit na 137-139 kabiguan kay Nurisa Dian Ashrifah ng Indonesia sa gold-medal match.
Gitgitan ang laban kung saan tabla ang iskor sa 28-28 sa unang bahagi ng laro.
Nagpatuloy ang pukpukang laban ni Cojuangco kontra sa Indonesian bet sa third frame na nauwi sa 29-29.
Ngunit tuluyang nakaungos ng bahagya ang Indonesian sa huling sandali ng laban para mahablot ang gintong medalya.
Impresibo ang mga panalo ni Cojuangco bago makapasok sa finals.
Pinataob nito si Bita Asheghzadeh Oskouei ng Iran sa pamamagitan ng 146-135 desisyon sa quarterfinals kabilang ang matikas na perfect 30 sa second, third at fifth games.
Ginulantang naman ni Cojuangco si South Korean powerhouse Park Jungyoon sa iskor na 142-142 sa semifinals upang makahirit ng tiket sa finals.
Ito ang unang medalya ng archery team sa Asian Games sapul noong 2014 edisyon sa Incheon, South Korea.
Nalampasan ni Cojuangco ang bronze finish ni Paul Marton Dela Cruz sa 2014 Asian Games.
Dismayado si Cojuangco na humulagpos sa kanyang kamay ang gintong medalya.
Subalit masaya pa rin ito na nakapag-ambag ito sa medal tally ng Team Philippines.
Dahil sa kanyang silver finish, makasisiguro si Cojuangco ng P1 milyong cash incentives mula sa gobyerno.
- Latest


















