Yulo brothers sasabak sa world meet

MANILA, Philippines — Mula sa matagumpay na kampanya sa nakaraang 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan ay sasalang ang mag-utol na sina Carlos at Eldrew Yulo sa 2026 FIG World Artistic Gymnastics Championships na magbubukas ngayon sa Rotterdam, the Netherlands.
Inangkin ng 26-anyos na si Carlos ang gold medal sa men’s floor exercise at vault events ng Aichi-Nagoya Asiad, habang may bronze ang 18-anyos na si Eldrew sa men’s horizontal bar.
Kapwa target ng magkapatid na Yulo ang makapasok sa 2028 Olympic Games sa Los Angeles, USA.
Sasabak sina Carlos at Eldrew sa qualification phase ng world meet bukas ng alas-4 ng hapon.
Kabuuang 24 bansa ang lalahok sa naturang nine-day meet kung saan nakataya ang mga Olympic berths.
Ang mga winners sa all-around at sa mga apparatus ang mabibigyan ng tiket para sa 2028 LA Games.
Bago makita sa aksyon sina Carlos at Eldrew ay papagitna muna si Miguel Besana sa kanyang paglahok sa men’s horizontal bar qualifiers.
Kasama rin sa Team Philippines sina Haylee Garcia at Chiara Dawn Andrew na hangad makasampa sa women’s all-around finals.
- Latest

















