EDITORYAL — Sino ang nasa likod ng mga alias?
MAY bagong paliwanag na ngayon tungkol sa mga kakaibang pangalan sa acknowledgment receipts na ginamit sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Sa Day 22 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte noong Setyembre 7, sinabi ng kanyang defense team na aliases ang mga pangalang nakalagay sa mga resibo. Ayon sa depensa, classified information ang tunay na detalye at ilalahad nila ang kanilang ebidensiya sa tamang panahon.
Kung aliases nga ang mga ito, hindi iyon awtomatikong red flag. Karaniwan ang paggamit ng alias sa intelligence at law enforcement upang protektahan ang pagkakakilanlan ng informants. Maging si Sen. Raffy Tulfo ay nagsabing katanggap-tanggap sa kanya ang ganitong paliwanag.
Ngunit ang nakita niyang kuwestiyunable ay ang magkakahawig na pirma at handwriting sa acknowledgment receipts ng magkakaibang umano’y recipients. Dito dapat nakatuon ang usapan.
Nakakatawa man pakinggan ang mga pangalang “Mary Grace Piattos”, “Timon Andrew Pusa” at “Shane Ngitngit”, hindi ito ang pinakamahalagang isyu. Ang dapat malaman ay kung may totoong taong nasa likod ng mga alias na ito at kung may lehitimong transaksyon at operasyon na katumbas ng perang inilabas.
Mahalaga ito dahil P612.5 milyon na confidential funds ng OVP at DepEd ang pinag-uusapan.
Sa testimony ng Philippine Statistics Authority (PSA), 1,287 sa 1,992 pangalan sa OVP list at 398 sa 677 sa DepEd list ang hindi nakitaan ng record ng kapanganakan, kasal o kamatayan.
Pero hindi rin dapat maging katapusan ng usapan ang salitang “alias.” Maaaring itago sa publiko ang tunay na pangalan ng isang informant para sa kanyang kaligtasan. Ngunit dapat may awtorisadong auditor na kayang beripikahin kung sino ang nasa likod nito. Para makita kung para saan ang ibinayad at kung totoong nangyari ang operasyon. Ganoon din ang punto ng prosecution: maaaring protektahan ang identities habang pinapayagan ang state auditors na magsagawa ng verification.
Maaaring confidential ang pangalan. Maaaring confidential ang operasyon. Pero ang paggamit ng pera ng bayan ay dapat laging may malinaw at tapat na kapaliwanagan.
- Latest




















